Lolo namaril sa road rage sa Tanay, Rizal; 2 sugatan

Arestado sa hot pursuit operations ng Rizal PNP ang 71 anyos na lolo na namaril sa nakagitgitan niya sa kalsada na mga sakay ng pick up sa Tanay, Rizal. Courtesy: Rizal PNP.

RIZAL PROVINCE – Dalawa ang sugatan matapos mauwi sa pamamaril ang away-trapiko sa Tanay, Rizal noong Linggo ng hapon.

       Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang 4:50 ng hapon sa Sagbat-Pililla Road sa Barangay Tandang  Kutyo nang bigla umanong mag-overtake ang isang kotse sa kanang bahagi ng isang pick up truck .

Dahil sa pag-overtake ng kotse  na minamaneho ng isang 71 anyos na lolo ay tinamaan ng pick up truck ang side mirror nito.

Iniispeksyon ni Rizal Police Provincial Director Col. Feloteo Gonzalgo ang kotse na sinakyan ng 71 anyos na suspek sa pamamaril sa mga sakay ng pick up truck na kaniyang nakagitgitan sa Tanay, Rizal. Photo courtesy: Rizal PNP

“naggitgitan yung dalawa, itong suspek pilit na nag-overtake  sa shoulder ng kalsada  at nasagi siya ng pick up  at tinamaan ang kaniyang side mirror “ sabi ni PCol.Feloteo Gozalgo, provincial director ng Rizal Police Provincial Office.

Sa galit ng drayber ng kotse,  iniharang niya ang kaniyang sasakyan sa harap ng pick up at  sinugod ang drayber nito.

Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng  dalawang drayber.

Nagtungo ang drayber ng kotse sa kaniyang sasakyan at pagbalik ay armado na ito ng baril na kaagad niyang pinaputukan ang sakay ng mga pick up.

“maraming beses pumutok around  6 shots ang pinakawalan niya at binaril din yung nasa side na pasahero tinamaan sa paa” dagdag ni Gonzalgo.

Malubha ang tinamong tama ng bala ng baril ng drayber ng pick up sa iba-ibang parte ng katawan habang sa paa naman ang tama ng lalaking nakaupo sa harapang upuan habang hindi naman tinamaan ang tatlong babae na kasama nila.

Tumakas ang suspek sakay ng kaniyang kotse.

Nagkataon na malapit sa lugar si Col. Gonzalgo na nag-iikot sa mga istasyon  ng pulis kaya agad siya ang pinara ng isang nakamotorsiklo na nakahingi ng saklolo.

Matapos makuha ang plaka ng kotse mula sa mga testigo agad na nagkaroon ng habulan at naglatag agad ng checkpoint sa lahat ng  daan sa Rizal.

Makalipas ang labinlimang minuto , naharang at naaresto na ang suspek sa bayan ng Morong .

“inutusan ko ang TOC (tactical operations center) na magset up ng checkpoints at dragnet  ang lahat ng police station  sa posibleng madaanan “ sabi pa ni Gonzalgo.

Sa loob ng kotse, natagpuan ng mga pulis ang isang cal. 40, mga bala at 2 patalim .

Napag-alaman na expired na ang lisensya ng baril ng suspek na residente ng Taguig City.

Tumanggi na siyang magbigay ng pahayag.

“bahala na sa korte, doon na lang magpaliwanagan” sabi ng 71 anyos na suspek.

Tumanggi na rin magbigay ng pahayag ang isa sa mga biktima na nakalabas na ng opsital habang ang sugatangn drayber ay nananatiling inoobserbahan sa ospital.

Sa harap ng panibagong away-trapiko, muling nagpaalala ang mga otoridad sa mga motorist na maging kalmado palagi.

“lagging magpakumbaba at mapagpasensya  lalo na sa pagmamaneho ,maging defensive na lang tayo sa pagmamaneho, huwag tayong maging offensive sa pagdadrive  para maiwasan ang ganiyang mga sagian na nauuwi sa init ng ulo”  paalala ni Gonzalgo.

Sinampahan na ang suspek ng  reklamong 2 counts of frustrated murder at paglabag sa Firearms Law.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *