Laguna Provincial Capitol Extension sa Calamba City, pinasabugan ng improvised smoke grenades

Nabalot ng makapal na usok ang harap ng Laguna Provincial Capitol Extension office sa Calamba City matapos na magpasabog ng improvised smoke grenades ang mga nagsagawa ng kilos-protesta laban sa vote-buying. Larawan mula sa Calamba City PNP.

CALAMBA CITY, Laguna -Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Calamba City Police at ang Commission on Elections o COMELEC Laguna para matukoy ang mga nagprotesta na nagpasabog sa labas ng gusali ng Laguna Provincial Capitol Extension Office , Huwebes ng umaga.

Ayon sa report ng Calamba City Police, bandang 7:00 ng umaga ay nasa tinatayang 50 katao ang nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Laguna Provincial Capitol Extension sa Brgy. Halang.

Tema umano ng mga nagprotesta ang labanan ang bentahan ng boto sa Laguna kung saan makikita pa ang bitbit ng mga itong tarpaulin na may nakasulat na Sponsored: Solid Lagunense.

Kasama umano ng nasa 50 katao na nagprotesta ang lalaki na nagpasabog ng improvised smoke grenade sa harap ng Laguna Provincial Capitol Extension Office. Larawan mula sa Calamba City PNP.

Pero ang ikinagulat ng mga security personnel ng gusali, bandang 7:58 ng umaga ay isa mga nagprotesta ang nagpasabog ng improvised smoke grenades na nagdulot ng makapal na usok sa paligid.

Mabilis na kumilos ang mga security guard ng provincial capitol extension office at narekober ang apat pang piraso ng improvised smoke grenades.

Nakipag-ugnayan na ang Calamba City Police sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) ng Calabarzon PNP para masuri ang mga narekober na improvised smoke grenades.

Ang mga improvised smoke grenades na narekober ng mga security guard ng Laguna Provincial Capitol Extension Office. Larawan mula sa Calamba City Police

Nirereview na rin ang mga kuha ng CCTV sa lugar at kinuhanan na rin ng salaysay ang mga testigo at mga security guard sa lugar na nakakita sa pangyayari.

Ayon kay Atty. Patrick Enaje, Laguna Provincial Election Supervisor, sa oras na matukoy nila kung sino ang pulitikong nasa likod ng insidente ay

“ang nangyari parang show lang, pumunta doon ,10 minutes tapos may tear gas ,allegedly sila rin ang nagtear gas sa sarili nila ,tapos nagpicture, so hindi pa namin alam kung ano ang drama nila, Once luminaw kung sino yun, susulatan namin” sabi ni Enaje.

Wala naman nasaktan sa insidente.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *