MANILA – Pinapa-disqualify ng isang private citizen ang kandidatura nina incumbent Laguna Governor Ramil Hernandez at asawa niyang si 2nd district Rep. Ruth Hernandez dahil sa umano’y vote-buying at abuse of state resources.
Tumatakbong kongresista ng second district ng Laguna si Gov. Hernandez habang si Cong. Hernandez naman ang tumatakbong gobernador..
Sa petition for disqualification na inihain ng private citizen na si Celito Baron sa Comelec ,malawakang vote-buying umano ang ginagawa ng mag-asawang Hernandez sa Laguna.
Kabilang sa pinagbasehan ng reklamo ay ang ginagawa umanong paghahakot sa mga taga-Cabuyao City patungo sa isang warehouse sa Calamba City kung saan pinalabas umano itong orientation at training ng mga poll watchers pero ang katotohanan umano ay dito nagaganap ang bilihan ng boto.
Bibigyan umano ng t-shirt na may mga mukha ng mag-asawa ang bawat isang botante, bibigyan ng pagkain at tubig at envelope na naglalaman ng 2,000 pesos.
Dati nang itinanggi ng kampo ng mga Hernandez na may vote-buying na nagaganap sa nasabing warehouse nang puntahan ng mga official ng Comelec at mga pulis noong April 21,22 at 23.
Ginagamit rin umano ng mag-asawa ang health cards o blue cards para makakuha ng mga boto.
Noong April 25, kinumpiska ng Comelec Cabuyao ang 256 health cards na may nakasulat na Province of Laguna at may pangalan ni Gov. Hernandez na nasa loob ng bag ng isang babae na dinampot at dinala ng taumbayan sa Brgy Hall ng Brgy. Niugan dahil umano sa pamimili ng boto.
Ayon sa Comelec Cabuyao ang mga nasabing health cards ay kanilang kinumpiska upang magamit na ebidensya sakaling may magsampa ng reklamo.
Wala pang ibinibigay na pahayag ang kampo ng mga Hernandez sa inihaing petition for disqualification laban sa kanila.
- Tatlo,arestado sa Php 1M droga sa Taytay, Rizal - July 7, 2025
- Laguna Governor Sol Aragones Bans Rude Behavior in Public Hospitals - July 7, 2025
- Passenger Ship and Fishing Vessel Collide Near Lucena City Pier - July 7, 2025