Krimen sa MIMAROPA Region, bumaba ng 20.48%, ayon sa Police Regional Office

Inhayag ng MIMAROPA PNP na bumaba ang mga naitalang krimen sa rehiyon . Larawan mula sa MIMAROPA PNP

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Bumaba ang krimen na naitala sa rehiyon ng MIMAROPA ( Mindoro , Marinduque, Romblon at Palawan) sa unang bahagi ng taong 2025.

Sa media briefing sa Camp BGen. Efigenio Navarro , sinabi ni PBGen. Roger Quesada, Regional Director ng Police Regional Office  (PRO) MIMAROPA na bumaba ng 20.48% ang mga naitalang mga krimen sa rehiyon mula Enero hanggang Marso 2025 na nasa 730 lamang  mula sa 918 na naitalang krimen sa huling bahagi ng taon 2024.

Bumaba  rin ng 25.94% ang mga index crime na kinabibilangan ng mga kasong murder, physical injury, robbery at theft.

“Ang makabuluhang pagbaba ng mga kaso ng krimen sa ating rehiyon ay patunay ng bisa ng mga programang ating ipinatutupad at ng walang sawang pagsisikap ng ating kapulisan,”sabi ni PBGen. Quesada.

Bilang bahagi ng pinaigting na operasyon, 666 na wanted persons ang naaresto, kabilang ang 201 na Most Wanted – mas mataas ng 50% kumpara sa nakaraang quarter.

Kabilang sa mga malaking tagumpay ang pag-aresto sa dalawang suspek na sangkot umano sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Filipino-Chinese na si Congyuan Guo a.k.a. Anson Que at sa kanyang driver sa Palawan noong Abril 18.

Tuloy-tuloy din ang kampanya kontra iligal na droga ng PRO MIMAROPA, kung saan nagsagawa sila ng 84 buy-bust operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 102 drug personalities at pagkakakumpiska ng shabu na nagkakahalaga ng higit P1.8 milyon.

Sa laban kontra insurhensiya, 29 kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko sa kapulisan sa parehong panahon.

“Hindi po kami magpapakampante. Patuloy naming paiigtingin ang aming kampanya laban sa kriminalidad, iligal na droga, at terorismo upang matiyak ang isang ligtas at maayos na pamayanan para sa lahat,” pagtitiyak ni  PBGen. Quesada.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *