Sinagot na ni Mataasnakahoy Vice Mayor at kandatong gobernadora ng Batangas na si Jay Ilagan ang show cause order ng Comelec matapos niyang tawagin na “laos’” na ang kaniyang mahigpit na katangguli na si Vilma Santos-Recto.
Sa tugon ni Ilagan, kaniyang iginiit na ang kaniyang binitiwang salita ay bahagi lamang ng figurative speech at humor na typical commentary ng isang kandidato .
Giit ni Ilagan, hindi ito discriminatory o malisyosong pag-atake sa mga kababaihan o sa mga nakakatanda.
Dagdag pa ni Ilagan na ang kaniyang sinabi ay ibinahagi sa isang magaan na pulitikal na konteksto—ay hindi tinuran upang manira, manakot, o magdiskrimina sa kanyang kalaban na si dating Governo Vilma Santos. Aniya, “the use of the term “laos” was directed at perceived political and pop culture relevance, not personal dignity or gender.”
“Walang masamang intensyon, walang pananakot, at walang sekswal o mapanirang pahiwatig sa aking sinabi,” giit ni Ilagan. Binigyang-diin niya na wala namang reklamo mula sa taong nabanggit sa panayam, at ang kanyang pahayag ay saklaw ng karapatan sa malayang pananalita na garantisado sa Saligang Batas.
Binigyang-linaw rin sa kanyang opisyal na tugon na ang mga pahayag ay hindi lumalabag sa COMELEC Resolution Blg. 11116, Republic Act Blg. 9710 (Magna Carta of Women), o Republic Act Blg. 11313 (Safe Spaces Act), dahil wala sa mga elemento tulad ng sexual advances, catcalling, o diskriminasyong batay sa kasarian ang makikita sa kanyang mga sinabi
Nangyari din ang pahayag sa isang panayam sa media noong March 25,2025 na hindi pa nagsisimula ang opisyal na kampanya para sa local na posisyon taliwas sa nakalagay sa reklamo na nangyari ito noon March 29.
Pinapatinayan ito ng certificate na mula sa Big News Ngayon Pilipinas na nagsagawa ng panayam kay Ilagan.
Giit ni Ilagan, hindi pa siya kandidato noon na maituturing dahil hindi pa nagsisimula ang kampanya.
Inihalimbawa niya ang ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Penera v. COMELEC, na nagsasabing hindi pa itinuturing na opisyal na kandidato ang isang tao hangga’t hindi pa nagsisimula ang campaign period. Dahil dito, hindi maaring ipataw ang mga patakaran at parusa ng batas sa halalan sa mga pahayag na ginawa bago pa ang nasabing petsa.
Sa huli, hiniling ni Ilagan na ibasura na ng Comelec ang kaso laban sa kaniya.



- Trike drayber, timbog sa Php 4M shabu sa Dasmariñas City - June 4, 2025
- Bangsamoro Police, wala pang suspek sa pumatay sa tatlong Batangueños - June 4, 2025
- Araw ng Pagluluksa, idineklara sa Calatagan, Batangas para sa tatlong pinatay sa Maguindanao Del Sur; Isa sa mga biktima, ililibing ngayong Huwebes - June 4, 2025