Ilonggo na nasawi sa MV Hong Hai 16 sa Occidental Mindoro, breadwinner ng pamilya

Ang labi ni Mark Dave Calopez nang marekober ng mga diver ng Philippine Coast Guard noong April 16,2025.

SAN JOSE, Occidental Mindoro – Naiuwi na sa kanyang tahanan sa Brgy Capt. Fernando, Leon, Iloilo ang labi ng isa sa nasawi na tripulante ng tumaob na dredging vessel na MV Hong Hai 16 noong a-kinse sa buwan ng Abril sa Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro.

Ang nasawi na tripulante ay kinilalang si Mark Dave Calopez, 24 taong gulang at isang Engine Cadet ng nabanggit na barko.

Nagtapos siya taong 2023 sa kursong Marine Engineering sa St. Theresa MTC COllege, sa Tigbauan, Iloilo.

Pangatlo sa apat na magkakapatid at isa rin sa inaasahang magtataguyod at susuporta sa kaniyang pamilya, kaya naman tila pinagbagsakan ng langit at lupa ang pamilya nito nang maiuwi ang katawan ng anak na wala nang buhay.

Anim na buwan pa lamang itong apprentice sa tumaob na dredging vessel.

Aabot naman sa tatlong araw lang ang lamay para sa biktima matapos na ito ay maiuwi, at agaran na rin umanong ililibing.

Sa ngayon ay umaapela ng tulong ang pamilya ng biktima sa gobyerno, gayundin sa mga maaaring makatulong sa kanila sa iba pang gastusin mula sa hindi inaasahang pagkawala ni Calopez.

Patuloy naman ang kanilang paghihingi ng hustisya mula sa nangyaring trahedya noong nagdaang linggo sa dalampasigan ng Brgy. Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro. Ulat ni Karlo Magno Caracas

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *