SABLAYAN, Occidental Mindoro – Bago pa magyari ang pagtaob ng dredging vessel na MV Hong Hai 16 na naghahakot ng buhangin mula sa Lumintao River sa Barangay Malawaan sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro ay mainit nang issue sa probinsya ang mga dredging activities .
Ngunit ang nangyaring trahedya sa MV Hong Hai 16 ay lalong nagpaingay sa isyu kung saan marami sa mga Mindoreño ang nanawagan na dapat nang ipahinto ang dredging sa lahat ng ilog sa Occidental Mindoro dahil naapektuhan na nito ang kabuhayan ng mga mangingisda at nasisira pa ang kalikasan.
Ilan sa direktang apektado ay ang mga mangingisda.
“lumalabo kasi yung tubig kapag kumukuha sila ng buhangin ,nawala po yung mga tumatabing isda kasi maingay po siya, yung barko” sabi ni Jun-Jun Cadapan, 10 taon ng mangingisda sa Rizal, Occidental Mindoro.
“kung maganda sana ang epekto sir,kaya lang nakikita naming sa ibang lugar na nasisira, gaya ng iba, Zambales , Gloria dito sa Oriental Mindoro , sira ang dalampasigan nila “sabi ni Wilmer Cadapan.
“dati ito malapad ang dalampasigan namin , una pa lang yung pier na ginawa noong barge pa lang humahakot ng buhangin ,ang nangyari ang daming kalat na iniwan nila, kami ang nahirapan” dagdag pa niya.
Hindi namin alam kung ano pa mangyayari dyan , kung makita namin ay mabuti ay doon kami pero kung hindi mabuti ay di bawalan“ sabi ni Pepito Damasino.
Pero ang Bluemax Tradelink, Inc. lamang na nasa likod ng dredging operations sa Lumintao River kung saan nangyari ang pagtaob ng MV Hong Hai 16 ang binigyan ng cease and desist order ng provincial government.
Ayon kay Gov. Eduardo Gadiano, magpapatuloy ang dredging operations sa Pagbahan River sa Brgy. Talabaan sa pagitan ng mga bayan ng Mamburao at Sta. Cruz at ang Amnay River sa bayan ng Sablayan dahil may mga permit naman ang mga ito.
May permit na rin para ma-dredge ang Baclaran river sa pagitan ng bayan ng Sta. Cruz at Mamburao pero hindi pa nag-sisimula ang operasyon.
May mga ongoing application din para sa dredging sa Biga River sa Sablayan, Busuanga river sa San Jose at Tubili river sa Paluan.
Sa kabila ng pagtutol ng mga residente, iginiit ni Gov. Gadiano ang kahalagan na madredge ang mga ilog dahil silted na umano na ito na pumantay na ang riverbed sa lupa na nagdudulot ng pagbaha.
“mula ng nilalang ng ating mahal na Panginoon yung ilog ay hindi pa nadedredge yan eh ,sa tagal ng panahon ay talagang ang siltation ay matindi na”sabi ng gobernador.
“Tumataas na yung riverbed, mataas na ngayon yung riverbed, yung ilog keysa sa community, kaunting ulan ay bumabaha ang community, ang purpose natin ay matanggal yun bara ng mouth of the river “ dagdag pa niya.
Inihalimbawa ni Gadiano ang matinding pagbaha na naranasan ng Occidental Mindoro noong 2019 nang magkasunod na manalsa ang bagyong Ursula at bagyong Tisoy.
Apela ng gobernador sa mga taga-Occidental Mindoro na bigyan ng pagkakataon ang river restoration project para mapigilan ang pagbaha.
Pagtiyak ni Gadiano, ipapatigil niya ang dredging kung hindi talaga epektibo na solusyon sa pagbaha sa lalawigan.
“Kaya ang pakiusap ko naman sa ating mga kababayan na itong solusyon na ito ay pagbigyan muna dahil talagang trinabaho naman ito at saka yung pagpepermit naman sinisiguro natin na nasa ayos ,may plano,may enviromental impact assessment ,may ECC yan,may MOA sa DENR,kung may violations pede natin ipastop yan,kung may destruction anytime pwde natin ipatigil “ saad ni Gadiano.
“Suportahan muna,pagtalagang hindi effective ito,eh di ipatigil natin kung hindi effective at mag-isip tayo ng ibang pamamaraan para mabawasan yung pagbaha.” dagdag pa niya.
Paliwanag pa ng gobernador, bago binigyan ng permit ang dreging company ay may dredging master plan ito na isinusumite sa Environmental Management Bureau para pag-aralan ang environmental impact assessment o EIA .
Sa oras na pumasa umano sa EIA ay saka pa lamang bibigyan ang proponent ng dredging ng ECC o environment compliance certificate.
Sa ilalim ng DENR administrative order 2020-12 or DAO 2020-12 ,isang inter agency committee (IAC) ang binuo para sa monitoring at enforcement ng dredging.
Miyembro ng IAC ang governor na tumatayong chairperson, DENR Regional executive director bilang vice chairman at mga miyembro ang DPWH Regional Director IV B, MGB regional director IV B, at EMB Regional Director IV B.
Sa ilalim ng DA 2020-12 ay may multipartite monitoring team (MMT ) din para bantayan ang galaw ng mga dredging company kung sumusunod sa dredging master plan.
Apat hanggang limang taon umano ang itinagal bago makakuha ng permit ang mga proponent ng dredging company.
Kabilang umano sa mga requirements ay ang dredging master plan, dredging clearance, environmental impact assessment , ECC, may memorandum of agreement ang DENR region at ang dreging company, may business permit mula sa munisipyo na nakakasakop, at nakapag-deposit ng 5 million pesos na environmental guarantee fund.
Ayon kay Gadiano , kapag nakumpleto na umano ang requirements ay saka lamang siya magbibigay ng notice to proceed sa dredging company.
Ang trust fund umano ay gagamitin ng local na pamahalaan sakaling magkaroon ng problema ang dreding operations.
“Lahat ng binibigyan ng permit ay nagtatrust fund ng 5 million per large river” sabi ni Gadiano.
Giit pa ni Gadiano, nagkaroon ng public scoping o public consultation sa mga komunidad na maapektuhan ng dredging.
“lahat ng stakeholders na apektado doon sa gagawin nilang operation mayroong public scooping, alam mo mga kababayan natin kapag sinabi mo oh may consultation ,eto ang gagawin, hindi aattend , kaunti lang yung aattend pero talagang nagconduct naman, series of public scoping ang ginagawa nila dyan” palinwanag ng gobernador.
Sa ilalim din ng DAO 2020-12 ay binbigyan ng pahintulot ang mga private company na magsdagawa ng dredging kung saan ay walang gagastusin ang gobyerno.
“ngayon hindi sila babayaran ng gobyerno, magdedredge sila, binibigyan sila ng karapatan na yung makukuha nilang bara sa mouth of the river or river channel going to the mouth of the river ay ibenta nila,icommercialize nila para ROI, bumalik yung ginastos nila” dagdag pa ng gobernador.
Ang kikitain naman sa ibabayad na quarry tax ng mga dredging company ay mapupunta ang 40 % sa barangay na nakakasakop, 30 % sa munisipyo at 30% sa provincial government.
Pinawi din ni Gov. Gadiano ang pangamba ng mga residente na ang mga buhangin na nakukuha sa Occidental Mindoro ay dadalhin sa China.
Mahigpit umanong nakasaad sa DAO 2020-12 na bawal itong dalhin ito sa West Philippine Sea.
“Hindi basta-basta magbibiyahe ng walang OTP or ore transport permit “ sabi ng gobernador.
Ang OTP ay iniisyu ng MGB.
Sa ngayon, walang balak ang provincial government na ipahinto ang dredging operations sa iba pang lugar sa Occidental Mindoro.
- Trike drayber, timbog sa Php 4M shabu sa Dasmariñas City - June 4, 2025
- Bangsamoro Police, wala pang suspek sa pumatay sa tatlong Batangueños - June 4, 2025
- Araw ng Pagluluksa, idineklara sa Calatagan, Batangas para sa tatlong pinatay sa Maguindanao Del Sur; Isa sa mga biktima, ililibing ngayong Huwebes - June 4, 2025