Coast Guard bigo pa rin matagpuan ang 2 tripulante ng MV Hong Hai 16 sa Occidental Mindoro

Ang MV Hong Hai 16 na tumaob sa Rizal, Occidental Mindoro.

RIZAL, Occidental Mindoro –  Bigo pa rin ang mga diver ng Philippine Coast Guard na mahanap ang dalawa pang tripulante ng tumaob na MV Hong Hai 16 sa may Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro.

Noong Sabado pa huling nakakuha ng bangkay ang mga diver ng PCG sa MV Hong Hai 16.

Dalawa pa rin ang hinahanap na tripulante kabilang si Mark Deogrades, 32 taong gulang na safety officer ng barko.

Residente ng Cainta, Rizal si Deogrades na may  dalawang musmos pang anak habang ang kaniyang asawa ay sumasailalim naman sa dialysis.

Sa ngayon ay siyam pa rin ang bilang ng nasawi sa trahedya.

Dumating na rin sa kani-kanilang pamilya ang labi ng mga nasawi.

Ayon kay LTJG Kenneth Bongabong, incident commander ng PCG- Occidental Mindoro, nakatutok na sila ngayon sa recovery ng barko.

Pero hindi natuloy ang pagsisimula ng salvage operations matapos umatras ang unang salvore company na kausap ng may-ari ng barko na Keen Peack Corporation.

Paliwanag umano ng salvore company hindi kakayanin ng kanilang manpower ang trabaho dahil marami silang kontrata na tinatapos.

Darating naman bukas ang panibagong salvore company para magsagawa ng   assessment sa recovery ng barko.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *