Bahay, talyer at mga sasakyan naabo sa sunog sa Mamburao

Nasunog ang tatlong bahay, talyer at mga sasakyan sa Brgy. 4, Mamburao, Occidental Mindoro. Kuha na larawan ni Karlo Magno Caracas.

MAMBURAO, Occidental Mindoro – Nasunog ang ilang bahay at talyer sa National Highway sa Barangay 4, Mamburao, Occidental Mindoro nitong Sabado ng umaga.

Ayon kay FO2 Geoffrey Lopez ng BFP- Mamburao,  nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Justin Bautista na kalapit lamang isang gasolinahan bandang 10:40 ng umaga.

Nagbayanihan ang mga residente para tumulong sa pag-apula sa sunog sa Barangay 4, Mamburao, Occidental Mindoro. Larawan na kuha ni Karlo Magno Caracas
Bandang 10:40 ng umaga ng matanggap ng BFP Mamburao ang report sa nangyayaring sunog. Larawan na kuha ni Karlo Magno Caracas.
Ilan sa nasunog ay mga sasakyan sa talyer. Larawan na kuha ni Karlo Magno Caracas.
Naapula ang sunog bandang 11:25 ng umaga. Kuha na larawan ni Karlo Magno Caracas.

Mabilis ang paglaki ng apoy at nadamay pa ang dalawa pang kalapit na bahay at isang talyer.

Natupok din ang dalawa hanggang tatlong sasakyan sa talyer.

Sa laki ng sunog, rumesponde na rin ang mga bumbero mula sa mga kalapit bayan ng Abre de Ilog at Santa Cruz gayundin ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Mamburao, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)  at mga pulis.

Nagbayanihan din ang mga residente sa pagtulong umpang maapula ang apoy.

Hindi pa matukoy ang pinagmulan ng apoy na naideklarang fire-out bandang 11:25 ng umaga.

Inaalam pa ang halaga ng pinsala.

Wala naman naiulat na nasaktan sa nangyaring sunog.

-ULAT ni Karlo Magno Caracas

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *