“Ayaw ko na bumalik sa airport” : 7 anyos na batang babae na nakaligtas sa NAIA car crash, matindi pa rin ang takot

Sinusuri ng SOCO ang pinagyarihan ng trahedya sa NAIA Terminal 1

LIPA CITY, Batangas – Sa video na kumakalat sa social media, ilang sandal matapos managasa ang isang SUV sa entrance lobby ng departure area ng NAIA Terminal 1, makikita ang  mga taong nagkakagulo at ang mga sugatan na nakahandusay.

Isa sa nakapukaw ng atensyon ay ang isang sugatan na batang babae nakaputing damit  habang  malakas na umiiyak at gumagapang sa isang babaeng duguan at nakahandusay .

Naisugod ng mga rescue team ang bata at matanda sa San Juan De Dios Hospital sa Pasay City  bago inilipat sa Saint lukes Medical Center sa Taguig City.

Kalaunan, nakilala ito na  ang pinsan ng 4 na taong gulang na si Malia Kates Yuchen Masongsong na nasawi sa trahedya sa NAIA.

Ang batang yun ay si Pia at ang babaeng nakahandusay ay ang kaniyang 62 taong gulang na lola na si Editha.

Sa panayam sa telepono sa ama ni Pia na si Daniel Masongsong,  gustong- gustong tulungan ng kaniyang anak ang kaniyang lola  kahit hindi niya alam kung papaano ito gagawin.

“Punong-puno ng pag-alala sa kaniyang lola sa mga oras na iyon ang nararamdaman ng bata” sabi ni Daniel Masongsong.

Isinama lamang si Pia ng kaniyang lola para  ihatid sa airport si Danmark Masongsong, ang ama ng batang nasawi.

Ayon kay Daniel, matinding  trauma ang idinulit ng nangyari sa NAIA sa kaniyang nag-iisang anak.

HIndi umano nagkukwento ang bata sa nangyari  at ang tanging sinabi niya lang ay ayaw na niyang bumalik sa airport.

“ang huling sinabi lang po niya sa amin ay napasigaw po siya na ayaw na niya daw po niya sa airport bumalik, nakakausap naman  siya kaso kapag may iba na tao, hindi na po siya makausap” dagdag ni Daniel.

Maayos na ang kalagayan ni Pia ngayon, nakakain na ng mayo bagamat minsan ay idinadaing ang pananakit ng leeg.

Pero nanatili pa rin sa ospital si Pia para bantayan ang kaniyang lola Editha na  hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin  maigalaw ang katawan.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *