Gov. Dolor: legal ang dredging at kailangan para matapos ang problema sa baha sa Oriental Mindoro

Pinangunahan ni Oriental Mindoro Gpv. Humerlito Dolor at Southern Concrete Industries representative ang pagharap sa public consultation sa Brgy. Balete, Gloria, Oriental Mindoro para sa gagawing dredging.

Hinarap ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor at mga kinatawan ng iba-ibang ahensya ng pamahalaan kasama ang  kumpanyang  nakakuha ng permiso sa gagawing dredging sa Balete river sa bayan ng Gloria ang mga residenteng tutol sa proyekto sa pag-aakalang sand mining ang gagawin.

Kabilang sa humarap sa public  consultation ang kinatawan ng Southern Concrete Industries (SCI)  na proponent ng  dreding, mga kinatawang ng DENR Mimaropa region,EBM-Mimaropa, Mines Geosciences Bureau- Mimaropa ,at  DPWH -Mimaropa.

Sa pagharap ni Gov. Dolor sa mga tumututol na mga residente, kanilang ipinaliwanag ang kalahagahan na maisagawa ang dredging sa Balete river upang maiwasan ang pagbaha na isa sa matagal ng problema ng lalawigan ng Oriental Mindoro.

Ayon sa gobernador,  barado na ang bunganga ng Balete river kaya kailangan ng mapalalim ito.

Pitong kilometro ng haba ng ilog ang kailangang matanggal ang mga bumarang buhangin para makadaloy ng maayos ang tubig palabas sa dagat.

“ang ulimitate kung goal ay mabigyan ng pinal na tuldok ang problema sa baha sa ibang barangay at yung mga barangay na may potensyal na mangyari hindi ko na hahayaan na dumatin pa sa kanila yung ganoong pagkakataon” sabi ni Dolor.

Pero ang mga residente ng Brgy.Balete,nagpahayag ng pangamba sa ginawang public consultation dahil posibleng maapektuhan ng dredging ang fish sanctuary at ang mga mangrove forest at kapag nagkataon maapektuhan ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.

“Hindi ako napayag dahil ang ating fish sanctuary sa bayan ng Gloria  ay dalawang beses nanalo at nagchampion sa Pilipinas,masisira nay an” sabi ni Rodelio  Lambuloto, Bantay Dagat member.

“Paano naman po yung pinaghirapan ng ating mga kababayan sa pagtanim ng bakawan ,ang alam ko po sa batas, pumutol ka ng isang bakawan , malaki po ang magiging kaso mo

pero yung pagkuha ng buhangin at mapipinsala ang puno ng bakawan  yun po ba ay ok na lang sa inyo ?”  pangamba ni Diomedes Mosquera, dating Brgy. Chairman.

Nangangamba rin ang mga mangingisda  na baka mawala ang mga isda dahil sa ingay na lilikhain ng barko na magsasagawa ng dredging.

Pero sabi ni Dolor, may mga inihahanda nang alternatibong kabuhayan ang provincial government  katuwang ang Southern Concrete Industries  sa loob ng anim na buwan na dreging operation.

“Mga mangingisda sa Balete, huwag kayo mag-ala-ala  tutulungan naming ho lahat ng anak ninyo na nag-aarala ng kolehiyo bibigyan natin ng scholarship” pagtiyak ng gobernor.

Umingay ang issue ng dredging sa Oriental Mindoro  ilang linggo bago ang halalan matapos magsagawa ng test dredging ang SCI.

Naghinala ang mga residente na ito ay sand mining.

May moratorium ang Oriental Mindoro sa large scale mining.

Pero giit ng Enviromental Management Bureau -Mimaropa at Mines and Geosciences Bureau -Mimaropa, magkaiba ang sand mining at ang dredging.

Ang dredging  ay isang uri ng quarrying  kung saan ang kinukuha  sa ilalim  ng mga lawa, ilog  ay mga quarry resources  gaya ng bato  at buhangin  para sa construction  at engineering work  samantalang ang mining naman ay  pagkuha ng  mineral o yamang mineral na may  potensyal  na economic value.

Hindi aniya matatawag na mining ang pagkuha ng buhangin sa Balete river  dahil ang buhangin dito ay ordinaryong buhangin lamang  na angkop lamang bilang panambak.

“hindi po mining ang river dredging, dahil for example ang ginagamit po natin na batas ay sa JMC hindi po yung sa mining law natin which is the RA 7942, may sariling batas po ang dreding natin “ sabi ni  Marie Louise Binwag, geologsist ng Mines and Geosciences Bureau- Mimaropa.

Nilinaw din ng SCI na 1.8  million cubic meters lamang ng buhangin ang kukunin sa ilog at hindi 38 million cubic meters gaya ng pinangangambahan ng mga residente.

“Ang RA 7942 po ay base po for mining act and sa amin po sa pag-isyu ng ECC  ang guidelines po namin din po ay yung JMC po” sabi naman ni Nicole Yuri V. Dorado, Environmental Management Specialist ng DENR-EMB IVB.

Inamin naman ng SCI na dadalhin ang buhangin na makukuha sa Balete river patungo sa ginagawang airport sa Bulacan.

“Lahat ng ginagawa natin ay batay  sa pag-aaral ng mga eskperto ,hindi ito pag-aaral ng mga pribado ,Ang nag-aral nito ay steem  geologist ng Mine Geosciences Bureau ,ibig sabihin  bago tayo dumating sa araw  na ito napakahaba ng pinag-daanan “ sabi pa ni Dolor.

Giit ng provincial government at ng SCI ,dumaan sa mausisng pag-aaral ang gagawing dredging sa Balete river at kumpleto ito ng lahat ng permit.
 “Memorandum of agreement with the provincial government ,lahat po ng relevant na  government agencies  tulad ng DWPH, yung DENR, yung mga sangay niya like EMB , MGB, mayroon po kami environmental compliance certificate  na nakuha po namin this year ,mayroon po kami dredging clearance,mayroon kami traders accreditation  ,notice to proceed at marami pang iba” sabi ni Engr. Bryan Buenaventura, project coordinator ng SCI.

Ilang beses na rin umano na nagkaroon ng public consultation para sa proyektong dredging pero wala umanong mga dumadalo.

“noong October 2018 ,may public scoping na ginawa dito, public ang announcement ,may public consultation na ginawa sa Balete,bakit hindi umattend yung mga nagtatanong ,bakit yung nagrereklamo ay hindi nag attend ,bakit kung kalian magsisimula na saka tayo naglabasan  samantalang anim na taon ang konsultasyon” dagdag pa ng gobernador.

Iginiit pa ng gobernador na aprubdo ng resolusyon mula sa  sangguniang barangay, sangguniang bayan at sangguniang panlalawigan ang proyekto.

Nagpahayag naman ng suporta ang ilang residente sa dredging at iginiit  na ang mga ipinapakita ng mga tutol na residente na  pinsala sa tabing  dagat ay matagal ng nangyayari bago pa magkaroon ng testing dredging.

“37 years old na po ako, dito ako naninirahan ,ang nakakasira po sa aming karagatan dito  unang-unang ay kalamidad, tulad po ngayon malaki ang alon ,yun pong mga puno na nasisira  yun po ang may dahilan  hindi po yung pagdating ng barko sa aming barangay” sabi ng residenteng si Dannilyn Herera

Sabi ng gobernador,  gagawin din sa  pitong ilog  pa sa Oriental Mindoro ang dredging  para masolusyonan na ang dekada nang problema sa pagbaha.

Nauna lamang umano naaprubahan ang permit ng Balete river sa bayan ng  Gloria pero  susunod na ang dredging sa mga ilog sa bayan ng Baco na isa sa lagging nalulubog sa baha.

Nilinaw ni gobernor Dolor  na legal ang dredging at itutuloy  ito  para matapos na ang pagbaha pero kung may makikita umano siyang negatibong impact sa kalikasan ay kaniya agad itong ipapatigil.

Pakiusap ni Dolor, bigyan ng tiyansa ang river dredging.

“babantayan ko ho ang project na ito  dahil gusto ko maging matagumpay ang proyekto, pakiusap ko lang sa mga nag-aagam-agam pa  bigyan nyo ito ng pagkakataon  at kapag talagang makakasama ,hindi ninyo na kailangang magreklamo sa akin ,ako ho mismo ang gagalaw, bakit? Mayroon hong inter-agency monitoring team na binuo, ang chairman ho doon ang provincial government  ,anytime na makita namin na may epekto ito na makakasira ,hindi ho ako magdadalawang isip ,tigil ito  pero kung maganda naman ang mangyayari , bigyan natin ng kaunting pagkakataon” sabi ni Dolor.

Nilinaw pa ni Dolor na walang gagastusin ang provincial  government sa dredging  ng ilog at sa halip ay kikita pa sa tax  kung saan 40 percent ay para sa barangay at tig 30 percent ang municipal government at provincial government.

Wala pang eksaktong petsa kung kalian sisimulan ang dredging sa Balete river na tatagal ng anim na buwan sa oras na mag-umpisa na ang SCI.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *