Mga labi ng tatlong “goat traders” na pinatay sa Maguindanao Del Sur, dumating na sa Calatagan, Batangas

Lumapag sa Villamor Airbase sa Pasay City ang C-130 ng Philippine Air Force lulan ang labi ng tatlong taga-Calatagan, Batangas na brutal na pinatay sa Maguindanao Del Sur.

PASAY CITY – Umagos ang luha ng mga pamilyang tatlong pinaslang na mga  negosyanteng taga-Calatagan, Batangas  sa pagdating ng kanilang labi sa Villamor Airbase lulan ng C-130 plane sa Pasay City, Lunes ng hapon.

Hindi matanggap ng pamilya ang brutal na ginawang pagpatay sa mga biktimang sina Jhon Luis Olarte, 23 anyos, pinsan niya na si Gerry Olarte, 32 anyos, at kanilang kaibigan na si Ronald Alumno, 37 anyos na naghatid lamang ng mga ibinibentang kambing sa isang buyer sa Maguindanao Del Sur.

Pinagbabaril, iginapos, piniringan at saka inilibing sa isang rubber tree plantation sa  Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapaha sa Maguindanao Del Sur.

Nahukay ang bangkay ng mga biktima noong Biyernes nang matunton ng mga otoridad sa tulong ng intelligence service ng AFP at PNP.

Matinding ang sakit na nararamdaman ni Pablo Olarte sa karumaldumal na sinapit ng kaniyang bunsong anak na nakaplano na sanang mag-abroad.

“siya po ay nagtapos ng customs ,pero ito naman ginawa ng mga hudas po” sabi Pablo.

Noong May 6 pa umalis ng Calatagan, Batangas ang mga biktima sakay ng van lulan ang 10 kambing na pang breed para ihatid sa Maguindanao Del Sur.

Transporter lamang umano ang mga biktima na ang trabaho ay ihatid lamang ang mga kambing mula sa seller patungo sa buyer.

Nagkakahalaga umano ng 1 million pesos ang mga boer.

May 11 nang huli umanong makausap ng kaniyang kuya si Jhon Luis na nagsabing nasa checkpoint sila at 15 minutes na lamang ay makakarating na umano sila sa tapat ng school na usapan ng buyer na tagpuan.

Pero yun na pala ang huling komunikasyon ng pamilya sa mga biktima.

Naalarma na ang pamilya nila sa Batangas dahil hindi na sila makontak at hindi rin naglalive sa facebook si Jhon Luis na lagi nitong ginagawa tuwing magbebenta ng mga kambing.

Nanawagan ang mga kaanak ng mga biktima sa mga otoridad na bigyan ng hustisya ang kanilang mga mahal sa buhay.

“sana po bigyan ng hustisya,hindi po makatao ang ginawa nila,naghahanap buhay ng patas ang aking anak kaya nakarating doon dhail gusto kumita,karumaldumal ginawa sa anak ko, buti kung binaril lang ng apat, pero ginawa nila ginapos nila, tinalian ng duct tape” sabi ni Pablo, ama ni Jhon Luis.

“Sana po ay pagbayaran nila ang ginawa nila sa aking anak” sabi naman ni Getulio Olarte, ama ni Gerry.

“inalisan nyo ng buhay ang kapatid ko saka yun dalawa ko tropa ,Diyos ko po! Diyos na ang bahal sa inyo” sabi ni Rodel Alumno, kapatid ni Ronald.

Ayon kay PBGe. Romeo Macapaz, regional director  ng Police Regional Office- Bangsamaro Autonomous Region, pagnanakaw ang nakikita nilang motibo sa krimen.

May 2 na silang persons of interests ang mga pulis sa kaso.

“Binabalikan namin sir yun katransaksyon nila ,sa ngayon sir medyo nagdahan-dahan tayo ,ginagamitan na natin ng mga siyensya, modern technology para matrace natin at hindi tayo magkamali kung sino talaga ang mga salarin, May mga lumulutang na mga pangalan doon sa area but again hindi natin matukoy hanggat wala tayo makuha na testigo”sabi ni Macapaz.

Hindi pa rin natatagpuan ang van ng mga biktima.

Iniuwi na ang labi ng mga biktima sa kanilang bahay sa Calatagan, Batangas kung saan sila ibuburol.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *