CAVITE – Nasa trabaho ang house cleaner na si Angelita Batiao noong umaga ng Lunes nang ipakita sa kaniya ng katrabaho ang isang viral video sa social media ng isang lalaking duguan at nakahandusay sa kalsada,
Ilang sandali lang tumatawag na ang ate niya,
Ang nasa video ay walang iba kundi ang kaniyang nag-iisang anak na si Christian Dave Sapio.
“actually nabigla kami kasi hindi naman siya palaaway,walang bisyo pero bakit ganoon? Sabi ni Angelita.
Tulala at hindi pa rin makapaniwala agad silang nagpunta sa Mesina Funeral Homes kung saan dinala ang bangkay ng biktima, doon niya nakumpirma na ang anak niya nga ang nasa viral video.
Bihira nang magkita si Angelita at ang kaniyang 29 anyos na anak buhat nang magdesisyon itong maging independent,nagsarili ng bahay at nagtrabaho bilang food delivery rider kaya masakit na bangkay na ang anak nang muli niya itong makita.
“kapag gusto naming siya kausapin, ipatawag na bisita ka naman sa amin saglit napunta rin naman” kwento ni Angelita.
Ayon sa Bacoor City Police, alas-kwatro ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima at ang motorsiklo nito sa Bitas Road, Barangay Molino 2, Bacoor City, Cavite.
Nagtamo ang biktima ng mga saksak sa iba-ibang parte ng katawan.
Ayon kay Pltcl. John Paolo Carracedo, hepe ng Bacoor City Police, may lead na sila sa mga suspek na isang babae at dalawang lalaki.
Ang babae umano ay kachat ng biktima at may usapan silang magkikita nang mangyari ang krimen.
“Mayroon siya katagpo na babae sa Bacoor, may conversation sila at magmemet up sila pero itong babae na katagpo niya noong nandoon na ang tao sa area ng Bacoor is hindi na siya nakipagmeet, so ang tinitingnan natin anggulo doon ay parang naset up yung lalaki noong ka-meet niya.” Sabi ng hepe ng pulisya.
Nilinaw ni Carracedo na walang kinalaman ang trabaho ng biktima blang food delivery rider sa krimen.
Bagama’t sobrang sakit ang nangyari, nag-aalinlangan si Angelita kung lalaban pa siya para makamit ng anak ang hustisya lalo’t walang-wala silang pera panggastos.
“Sa katulad namin mahirap ,mahirap humanap ng hustisya ,mabaliwala din yan kaso, sabi nga ng kapatid ko ,ipasa-Diyos na lang kasi kung hanapin pa talaga naming ang hustisya (JC) kapag wala ka koneksyon,wala ka pera, basura ang kaso mo ,ganun ang paningin namin sa hustisya sa atin,hindi ko alam, hindi ko alam” umiiyak na pahayag ni Angelita.
Kakarampot lamang ang kinikita ni Angelita bilang house cleaner, at kahit na gusto pa niyang iburol ang anak para masilayan pa kahit papaano ng matagal ay hindi na niya ito magawa dahil sa kawalan ng panggastos.
Ngayon pa lamang ay problemado na siya sa pambayad punerarya para sa autopsy at restoration ng body ng anak na nagkakahalaga ng 60,000 pesos.
Pinili na lamang niya na icremate ang anak dahil libre ito sa ilalim ng programa ng local na pamahalaan ng Las Pinas City kung saan sila residente.
“Hindi pa ako maniwala na wala na siya pero ngayon nilalakad ko na mga papeles para icremate , unti-unti ko na napansin ang bigat pala” dagdag pa niya.
Nagsusumamo si Angelita na sana ay may tumulong sa kanila lalo na sa gastusin sa punerarya.
Dalangin na lamang ni Angelita na mauunawaan siya ng anak kung magdesisyon siya na hindi na siya maghanap ng katarungan.
- Trike drayber, timbog sa Php 4M shabu sa Dasmariñas City - June 4, 2025
- Bangsamoro Police, wala pang suspek sa pumatay sa tatlong Batangueños - June 4, 2025
- Araw ng Pagluluksa, idineklara sa Calatagan, Batangas para sa tatlong pinatay sa Maguindanao Del Sur; Isa sa mga biktima, ililibing ngayong Huwebes - June 4, 2025