ATIMONAN, Quezon – Isa ang kumpirmadong nasawi at apat na iba pa ang nasugatan sa salpukan ng tatlong wing van truck sa Maharlika Highway sa Barangay Balubad, Atimonan, Quezon Province, Biyernes ng hapon.
Sa videong kuha ng isang netizen, madidinig pa ang daing at ang paghingi ng tulong ng isa sa sakay ng mga nagsalpukang mga truck habang ito ay naiipit sa unahan ng sasakyan.
Tulong-tulong ang mga tauhan ng Atimonan Police, BFP at MDRRMO at iba pang rescue volunteers para masagip ang mga biktima sa loob ng truck.
Tatlong oras ang inabot bago nahugot ang lahat ng sakay sa dalawa sa tatlong truck na nagsalpukan.
Kinailangan pa ng mga itong gumamit ng mga cutting tools, mga hagdan at iba pang rescue equipment para makuha ang mga naipit na biktima.
Isinugod ang ang mga sugatan sa ospital sa Atimonan matapos magtamo ang mga ito ng mga pinsala sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Pumanaw naman ang driver ng ikatlong truck.
Ayon kay Police Major Marnie Abellanida, hepe ng Atimonan police, nangyari ang aksidente dakong alas 4:35 ng hapon sa kurbadang bahagi ng Maharlika Highway sa ng Brgy. Balubad, Atimonan .
Una umanong nagkasalpukan ang magkasalubong na una at ikatlong wing van truck.
Patungo sa direksyon ng Manila ang unang truck kasunod ang pangalawang truck nang salpukin ito ng kasalubong na pangatlong truck na patungo sa Bicol na nawalan umano ng kontrol .
Sa tindi ng impact kapwa wasak ang cab ng una at ikatlong truck na nagka head on colission.
Hindi naman nakaiwas ang ikalawang truck na kasunod ng isa sa mga wing van truck at sumalpok din ito sa kanang bahagi ng kanyang sinusundang truck.
Kumalat din ang mga langis at gasolina sa daan kaya kaagad nag-activate ng Incident Management Team ang LGU at ang pulisya at minobilize ang force multipliers at mga barangay tanod para sa traffic management.
Nagdulot din ng pansamantalang pagsasara sa daloy ng trapiko ang lugar ng aksidente at idinivert muna ang mga sasakyan sa Bondoc Peninsula road.
Madaling araw naman nitong Sabado, binuksan na ang daloy ng trapiko sa lugar matapos ang clearing operation na isingawa ng mga awtoridad.
ULAT NI RONILO DAGOS
- Trike drayber, timbog sa Php 4M shabu sa Dasmariñas City - June 4, 2025
- Bangsamoro Police, wala pang suspek sa pumatay sa tatlong Batangueños - June 4, 2025
- Araw ng Pagluluksa, idineklara sa Calatagan, Batangas para sa tatlong pinatay sa Maguindanao Del Sur; Isa sa mga biktima, ililibing ngayong Huwebes - June 4, 2025