Anak ng guro na pinatay habang pinoprotektahan ang balota box noon ’95 Elections, umapela sa mga botante na pahalagan ang boto

si Teacher Felomina "Fely" Tatlonghari

MABINI, Batangas – Sa Lunes, May 12,2025 muling  boboto  sa Talaga Elementary School sa Mabini, Batangas si Jordan Tatlonghari.

Tandang-tanda pa niya noong unang beses siyang pumasok sa nasabing eskwelahan para bomoto, takot na takot siya at tila bumalik  ang lahat ng masasakit naalaala na ang election ang dahilan kung bakit maaga siyang naulila sa ina.

Sa  Talaga Elementary School mismo  pinaslang ang kaniyang ina.

“Noong boboto na po ako talagang nag-ipon ako ng lakas ng loob para  pumasok doon at bomoto kasi that is the main reason  kung bakit nangyari ,dapat harapin ko yun” sabi ni Jordan.

Si Jordan ang bunsong anak ni Felomina Tatlonghari, o Fely, ang guro na pinaslang ng mga armadong lalaki  habang yakap-yakap ang ballot box na inaagaw sa kaniya noong May 8,1995 elections.

50 taong gulang noon si Teacher Fely na isang guidance counselor at master teacher 3 na naatasan na umaktong board of election inspector .

Tapos na ang pagbibilang ng boto at ihahatid na nila sa municipal board of canvasser ang balota nang harangin ng mga armadong suspect sa labas ng eskwelahan.

Nagmatigas si Teacher Fely sa mga umaagaw ng balota dahilan para barilin siya.

“Nasa bahay  kami ng tatay,noong madaling araw ng May 9, bigla na lang kami ginising  doon sa bahay na may nagbalita nga sa amin, yung masaklap na balita na nabaril pala yung nanay ko” pag-alala ni Jordan.

11 anyos lamang noon si Jordan at bagama’t isang architect na siya ngayon  , lagi pa rin nananariwa ang sugat ng pagkawala ng kaniyang ina na dulot ng halalan.

“Masakit yun kasi nga kapag bata ka lahat ng buhay mo iaasa mo sa nanay mo eh ,masakit talaga yun  halos hindi nakumpleto yung kabataan ko ,wala ako nanay “ dagdag pa ni Jordan.

Ngunit kasabay din ng panunumbalik ng sakit tuwing sasapit ang halalan,

Palagi rin ipinagmamalaki ni Jordan ang kabayanihan ng kaniyang ina na isinakripisyo ang buhay para maproteksyonan ang sagradong boto ng mamamayan.

“I took pride of my mom na nakilala siya dahil doon sa ginawa niya, yung pag-alala mo yung nanay mo nakilala dahil sa ginawa niya, malaking bagay yun “ sabi niya.

At sa kabila ng mga ulat ng malawakang vote-buying at vote-selling ngayong darating na halalan ng mga pulitiko para matiyak ang panalo nila, nanawagan si Jordan sa mga botante na pahalagan ang boto at pag-isipang mabuti kung sino ang iboboto dahil may mga gaya ng kaniyang ina handang ibuwis ang buhay para lamang matiyak na mapoproteksyonan ang bawat boto.

“Alalahanin natin na may mga taong  handang magbuwis ng buhay para sa boto na yan, bigyan naman natin ng dangal yung boto natin  in such a way na baka sa paggawa natin ng ganun  siguro ulitimately marerealize  ng mga pulitiko na ay iba na pala yung  mga bomoboto ngayon, may prinsipyo na pala yung mga bomoboto ngayon” apela ni Jordan.

Halos walang mabasang artikulo sa kabayanihan ni Teacher Fely,

At tila nalimot na siya sa pagdaan ng maraming panahon.

Isang gusali lamang sa Talaga Elementary School ang ipinangalan sa kaniya bilang pag-alaala ng kaniyang pagsasakripisyo para matiyak ang integridad ng halalan.

Umaasa si Jordan na sana magkaroon ng pambansang pag-alala sa kaniyang ina upang maipamulat sa buong bansa ang peligro sa buhay na hinaharap ng mga guro  tuwing halalan.

Tatlumpong taon na rin ang lumipas, tila wala na rin nangyari sa kaso ni Felomina Tatlonghari.

Walang naparusahan sa kasong murder na isinampa sa dalawang suspek.

Tanging isa lamang ang naaresto sa kasong ballot snatching na nakalaya rin makalipas ang ilang taon habang ang isang suspek hanggang ngayon hindi pa naihaharap sa batas.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *