Mga pekeng NBI agents na nagpanggap na mag-iimbestiga ng vote-buying, arestado sa Laguna

Aresdtado ng Pakil, Laguna ang anim na mga pekeng NBI agents.

PAKIL, Laguna – Naaresto ng Pakil Municipal Police Station sa hotpursuit operations ang anim na mga armadong lalaki na nagpanggap na mga tauhan ng National Bureau of Investigations (NBI) na nagsasagawa umano ng imbestigasyon sa vote-buying sa Laguna.

Naharang ang mga suspek sa harap ng Kabulusan Elementary School bandang 3:15 ng hapon habang sakay ng isang SUV.

Nakatakas naman ang isa pang kasama nila.

Nabatid na bandang 10:00 ng umaga nang dumating ang mga suspek sa Pakil Police Station at nakipagcoordinate para umano sa gagawing imbestigasyon ng NBI sa umano’y vote-buying at vote-selling activity sa Brgy. Matikiw.

Nagpakilala umano ang mga suspek na taga-NBI main office.

Matapos na makaalis ng mga suspek sa police station, ipinagbigay alam ng desk officer sa kanilang chief of police ang impormasyon na agad naman nagsagawa ng beripikasyon sa NBI Legal Service at NBI Laguna District Office gamit ang mga ipinakitang ID at badge.

Dito na natuklasan ng mga pulis na hindi mga miyembro ng NBI ang mga suspek kaya ikinasa agad ang operasyon.

Nasamsam sa mga suspek ang pekeng NBI ID at badge, mga baril at bala .

Ayon kay Laguna Provincial Comelec Election Supervisor Atty. Patrick Enaje, iniimbestigahan na nila kung samahan ng mga pekeng NBI agents ang mga pekeng staff ng Comelec na naaresto sa Santa Cruz, Laguna.

Nahaharap ang mga pekeng NBI agents sa mga kaso ng usurpation of authority at violation ng Omnibus Election Code.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *