PALAWAN – Wagi ang probinsiya ng Palawan bilang Rank 1 sa “Best Islands in the World to Visit in 2025” mula sa isang prestihiyosong U.S. News and World Report na isang online magazine.
Nasungkit ng probinsya ang naturang pagkilala dahil sa umano’y maraming island activities na maaaring gawin dito kabilang ang paglangoy sa napakalinaw na Kayangan Lake sa Coron, pagto-tour sa lagoon ng Bacuit Bay sa El Nido, at pagka-kayak sa underground cave ng Puerto Princessa Subterranean River.
Bukod sa island activities, maaari rin anilang ma-enjoy ang naggagandahang mga dalampasigan sa probinsya.
Kasama naman sa listahan ang Sardinia Island mula sa Mediterranean Sea sa ikalawang pwesto, Mauritius, isang African Island sa ikatlong pwesto,
Santorini ng Greece, sa ika-apat na pwesto, at marami pang iba.
Lubos namang ipinagmalaki ng Department of Tourism ang karangalang ito na nakamit ng probinsya na anila’y lubos na maipagmamalaki ng bansa.
Sa pahayag ng ahensya, sinabi nitong isa itong patunay sa matagumpay ang programa ng pamahalaan sa ilalim ng National Tourism Development Plan (NTDP) 2023-2028 kung saan kabilang sa misyon nitong iangat ang pwesto ng Pilipinas bilang isang tourism powerhouse sa Asya.
Ang pagkilalang ito sa Palawan ay nakahanay umano sa hakbang ng DOT na maisulong ang sustainable, inclusive at globally competitive na turismo ng bansa.
Dagdag pa rito, ang karangalan ay isa ring pagkilala sa mga lokalidad, mga manggagawa at stakeholders na patuloy sa pagsusumikap upang maitaas ang antas ng turismo sa kanilang lugar.
Kaugnay rito, patuloy na inaanyayahan ng DOT ang buong mundo upang bisitahin at personal na masaksihan ang kakaibang karanasang hatid ng Palawan.
ULAT ni Karlo Magno Caracas, TBST Correspodent
- Trike drayber, timbog sa Php 4M shabu sa Dasmariñas City - June 4, 2025
- Bangsamoro Police, wala pang suspek sa pumatay sa tatlong Batangueños - June 4, 2025
- Araw ng Pagluluksa, idineklara sa Calatagan, Batangas para sa tatlong pinatay sa Maguindanao Del Sur; Isa sa mga biktima, ililibing ngayong Huwebes - June 4, 2025