256 Health Cards na may pangalan ni Laguna Gov. Ramil Hernandez, kinumpiska ng COMELEC mula sa isang babae dahil sa “vote-buying”

Ang health cards na natagpuan sa bag ng isang babae na inaresto ng taumbayan dahil umano sa vote-buying sa Southville Subdivision sa Brgy. Niugan, Cabuyao City, Laguna.

CABUYAO CITY, Laguna – Sumiklab ang tension sa Barangay hall ng Brgy. Niugan sa Cabuyao City, Laguna noong Biyernes ng umaga matapos umanong icitizen arrest ang isang babae na uman’y namimili ng boto gamit ang health card ng provincial government na may pangalan ni Gov. Ramil Hernandez.

Dumagsa sa barangay hall ang mga galit na residente upang komprontahin ang babaeng nahuli sa pamimili umano ng boto sa area ng Southville Subdivision.

Ito ang mga health cards o blue cards na nasa pangangalaga ngayon ng Comelec Cabuyao. Larawan mula sa South Post

“Hindi kami nagbebenta ng boto kahit kailan, 21 years na ako dito hindi ako nagbebenta ng boto” sabi ng residenteng si Josephine Claridad.

Napasugod sa barangay hall si Cabuyao City Comelec officer  Atty. Ralph Jireh Batolome para mamagitan sa sitwasyon.

Vote- buying?

“Mayroon nga nahuli na paraphernalias,lumalabas na ito nga ay parang health cards na may pangalan ni Gov Ramil , yun ang nakita doon sa babae na nahuli supposedly na- citizen’s arrest daw” sabi ni Atty. Bartolome.

Natagpuan sa bag ng babae ang tinatayang 256 na health cards o blue cards na may pangalan ni Gov. Hernandez.

Kinumpiska ng Comelec Cabuyao ang nasabing mga health cards na maaaring magamit na mga ebidensya kung sakaling may magsasampa ng reklamo.

No actual vote buying – Comelec Cabuyao

Ayon sa Comelec, bagamat wala naman umanong actual na pamimili ng boto na nangyari, hindi umano pangkaraniwan sa isang tao na may bitbit na napakaraming health cards.

“ang sinabi ko sa both parties, syempre its unsual na may ganoong  klaseng health cards or paraphernalias na hawak ng isang tao so kinumpiska ko  siya kasi maaari siyang magamit na evidence, sa ating resolution 11104 naman eh bawal kung mayroon mga ganoon mga bagay at maaari pang gamitin para maging vote buying or vote selling “ paliwanag pa ni Cabuyao Comelec Officer  Atty. Bartolome.

Pero ayon sa babaeng nahuli, itatago lamang umano niya ang mga health cards pero hindi niya maipaliwanag kung bakit nasa kaniya ang mga ito at kung ano ang trabaho niya.

Kinakausap ng taga-Comelec ang babaeng may dala ng mga health cards sa Barangay Hall ng Brgy. Niugan, Cabuyao City.
Larawan mula sa South Post

“Kukunin ko po yun  para itago  para isafe po  (kasi?) isafe para sa akin ,iuuwi ko sa amin para itabi” sabi ni alyas Elsa na may bitbit ng mga health cards.

Dahil wala naman maisasampang kaso, iniutos ng Comelec na pakawalan si Alyas Elsa.

Hinikayat ng Comelec Cabuyao na magsampa na lamang ng pormal na kaso ang mga nagrereklamo ng vote buying.

Ilang beses sinubukang kunan ng news team ng pahayag  si Gov. Ramil Hernandez pero hindi siya sumasagot.

Tumatakbong kongresista ng 2nd district ng  Laguna si Hernandez.

Orientation & Training

Noong April 21,22 at 23, magkakasunod na napasugod ang mga taga-comelec at pulis sa warehouse na pagmamay-ari umano ni Gov. Hernandez sa Barangay Bubuyan, Calamba City dahil sa reklamo  umano ng vote-buying.

Sakay ng mga bus ay hinahakot umano ang mga residente ng Cabuyao patungo sa warehouse at doon ay binibigyan ng 2,000 pesos kapalit ng boto.

Mismong si Calamba City Comelec Officer Atty. Mark Nicholai Delmo ang nagtungo sa warehouse.

Doon ay natagpuan ang napakaraming mga nakaparadang mga bus at sa loob ay may higit 500 mga tao.

Pero sabi ni Atty. Delmo, orientation ng mga pollwatchers ang kanilang inabutan at walang pamimili ng boto.

Pero nagtataka rin si Atty. Delmo dahil bakit kailangan pang dalhin sa Calamba ang mga taga-Cabuyao at kung pollwatchers ang mga ito ay  sobra-sobra na rin umano ang bilang sa pinapayagan lamang ng Comelec.

“lumalabas para sa isan kandidato  ang allowed number ng maximum na watchers ay 500 ,supposedly dapat noon Monday ay dapat tapos na ang Cabuyao,and yun din ang banggit sa main ng organizers noon Monday na matatapos na sila  that day pero lumalabas mayroon pa po” sabi ni Atty. Delmo.

“Ang iniisip namin malamang jurisdiction ito ng Calamba  ,taga-Calamba rin ang andoon pero  lumalabas po mga taga-Cabuyao yung inoorient doon,upon inquiry din sabi po nila mas safe daw  para sa watchers nila  if outside Cabuyao  ginawa,yun po ang claim nila”  dagdag ni Atty. Delmo.

Larawan na ipinadala ng kampo ni Gov. Ramil Hernandez na nagpapatunay na orientation and training ng mga poll watchers
ang ginagawa sa warehouse sa Brgy. Bubuyan, Calamba City.

Tumangging magbigay ng panayam ang  kampo ni Hernandez pero sa ipinadalang larawan ng kaniyang staff sa news team ay   makikita ang mga nakasulat na ito ay campaign coordinators/ watchers orientation  and training.

Tiniyak naman ng Comelec Calamba na nag-iimbestiga pa rin sila sa nangyari.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *