2 Kapitan ng MV Hong Hai 16, Kinasuhan na sa Occidental Mindoro Provincial Prosecutors Office

Ang MV Hong Hai 16 na tumaob sa may Brgy. Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro noong April 15,2025. Larawan mula sa Rizal LGU

SAN JOSE, Occidental Mindoro – Ang  paghahanap ng katarungan para sa mga nasawi sa pagtaob ng MV Hong Hai 16 ay nagsimula na.

Bago iuwi sa kanilang bahay sa Dasmariñas City, Cavite, tiniyak ng pamilya Monserate na masasampahan muna ng kaso ang nasa likod ng pagkawala ng kanilang  pinakamamahal na padre de pamilya.

Kasama ang PNP Maritime Group, nagtungo sa Occidental Mindoro Provincial Prosecutors Office sa bayan ng San Jose ang pamilya ng nasawing chief mate na si Cezar Monserate para maghain ng reklamo laban sa mga kapitan ng MV Hong Hai 16.

“we want justice lang talaga”. Sabi ni Mary Kane, anak ni Cezar Monserate na lumuwas noong Sabado mula sa Dasmariñas City, Cavite.

Reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injury ang isinampang reklamo sa Filipino at Chinese nationals na mga kapitan ng MV Hong Hai 16 na pagmamay-ari ni Kean Peak Corporation.

Sabi ni Provincial Prosecutor  Warren Wesley Malalad,sumama rin sa pagsasampa ng reklamo ang Filipino survivor na hanggang ngayon ay nasa ospital pa rin.

Dalawang linggo bago mangyari ang aksidente sa dagat, nagsabi na si Cezar sa kaniayng asawang si Evelyn na  magreretiro na siya at babalik na sila sa Iloilo para doon manirahan for good.

Wala pa  naman kasong isinasampa laban sa walong Chinese na nakaligtas na may kinalaman  sa kanilang immigration status.

“With respect naman po sa kasong ito eh wala naman po epekto whether undocumented alien or not  kasi po  criminal case ito  hindi po importante dito ang  immigration status ng mga respondent kasi po ang krimen  ay nangyari within the jurisdiction  ng Philippines” sabi ni Malalad.

“Separate po  kung mayroon po impormasyon na patungkol sa kanilang  immigration status o kung ano pang immigration violation na kanilang nacommit it’s a separate po doon sa criminal case na isinampa ng Maritime Police” dagdag pa niya.

Bagama’t isang pamilya pa lamang ng nasawi ang naghain ng reklamo,    sinabi ni Malalad na hindi ito magpapahina sa kasong isinampa laban sa mga kapitan ng barko.

“Hindi naman po paramihan  kasi mayroon naman po mga ebidensya  sinumite yun ho nagfile “ sabi pa niya.

Dalawa pa rin crew ang hinahanap habang  siyam na ang naitalang nasawi sa MV Hong Hai 16 tragedy sa Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro.

Totoong Balita Southern Tagalog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *