LAGUNA – Dalawang kumakandidatong mayor at isa para sa kongresista sa ikaapat na distrito ng Laguna ang pinagpapaliwanag na ng Comelec at posibleng madiskwalipika pa dahil sa pagkakaugnay sa mga naarestong pekeng staff ng Comelec sa bayan ng Santa Cruz at pekeng mga NBI agents sa bayan ng Pakil.
Hindi muna pinangalanan ni Laguna Provincial Election Supervisor Atty. Patrick Enaje ang mga kandidato na pinadalhan ng show cause order.
Pero inamin sa isang panayam ni Santa Cruz Mayor at reelectionist Edgar “ Egay” San Luis na nakatanggap siya ng sulat mula sa Comelec para pagpaliwanagin sa umano’y pagkakaugnay sa unauthorized election-related activities.
Ayon kay San Luis, sinagot na niya ang Comelec at tahasan niyang itinanggi ang pagkakaugnay sa tatlong naarestong nagpakilalang Comelec staff noong May 5 habang nag-iinspeskyon sa automated counting machines o ACM sa Silangan Elementary School sa Barangay San Pablo Norte sa bayan ng Santa Cruz.
“hindi ko po kilala ang mga taon yun at yun po ang inilagay ko sa aking sagot at pinaiimbestigahan ko na rin po, ako po ay sumusuporta sa patas at malinis na halalan na isinusulong ng Comelec” sabi ni San Luis.
Sinabi naman ni Sta. Maria Mayor at reelectionist Cindy Carolino na sa social media lamang nila nabasa ang sulat ng Comelec para sa kaniyang asawa na tumatakbing kongresista ng 4th district ng Laguna na si Atty. Antonio Carolino.
Ayon kay Mayor Carolino, naghahanda na sila ng paliwanag sa Comelec.
“hindi namin talaga kilala sila tapos that is already in Santa Cruz which is very far from Santa Maria” sabi ni Mayor Carolino.
Sabi ni Atty. Enaje, may mga impormasyon na sila na nag-uugnay sa mga naarestong pekeng Comelec Staff at sa kandidatong mayor at kongresista.
“Nalilink namin kung sino ang mga tao na ito at sino ba ang may transaksyon dito bago nangyari itong mga pangyayaring ito” sabi ni Enaje sa panayam sa Teleradyo Serbisyo.
Hindi rin muna tinukoy ni Atty. Enaje ang kumakandidatong mayor sa bayan ng Pakil na nasa likod ng anim na naarestong mga armadong lalaki na nagpakilalang mga NBI agents.
Naaresto ang mga suspek noong Huwebes habang nagpapanggap na mag-iimbestiga sa vote-buying sa Pakil.
Sinabi pa ni Enaje na may direktang link silang Nakita na mag-uugnay sa mga suspek sa kumakandidatong mayor.
“Katulad po doon sa kaso ng mga nagpanggap na NBI ,natrace na po namin yung mga baril ,Nakita na naming ngayon kung kanino ito, kung sino may kaugnayan dito etc etc” paliwanag pa ni Enaje.
May idea na rin ang Comelec Laguna kung sino ang nasa likod ng pagpapasabog ng improvised smoke grenades sa provincial capitol extension office sa Calamba City noong Huwebes habang may mga nagsasagawa ng kilos protesta.
Sabi ni Enaje, posibleng isa itong tumatakbong gobernador.
Nagbabala si Enaje na sa oras na mapatunayan na ang mga pulitikong ito ang nasa likod ng mga panggugulo ay tutuluyan nila itong idiskwalipika.
“lalong-lalo na po yung mga nangyayaring pagpapanggap ,tangkang panggugulo doon sa ating mga presinto ay sigurado po hindi ho tatantanan ng ating komisyon yan at kung manalo yan tutuluyan po yan idiskwalipika” banta ni Enaje.
Sa kabuuang tiniyak ng Comelec na pangkalahatan pang mapayapa ang sitwasyon sa Laguna para sa darating na halalan.
- Tatlo,arestado sa Php 1M droga sa Taytay, Rizal - July 7, 2025
- Laguna Governor Sol Aragones Bans Rude Behavior in Public Hospitals - July 7, 2025
- Passenger Ship and Fishing Vessel Collide Near Lucena City Pier - July 7, 2025